Mayroong napakalaking lihim sa iyong puso. Hindi mo alam na naroroon ito dahil ikaw ay namumuhay sa isang mundong walang nagniningning na liwanag. Ang iyong puso at ang iyong espiritu ay kinuha na ng masamang nilalang. Ang iyong mga mata ay nilukuban na ng kadiliman; hindi mo makita ang araw sa kalangitan, at pati na rin ang kumikislap na bituin sa gabi. Ang iyong mga tainga ay nababarahan na ng mga mapanlinlang na mga salita at hindi mo naririnig ang madagundong na tinig ni Jehova, pati na rin ang tunog ng dumadaloy na tubig mula sa trono. Nawalan ka ng lahat ng bagay na dapat ay pag-aari mo at lahat ng bagay na ipinagkaloob sa iyo ng Makapangyarihan sa lahat. Ikaw ay pumasok sa isang walang katapusang dagat ng kapaitan, na walang lakas ng isang pagsagip, walang pag-asa ng kaligtasan, naiwan lamang upang magpunyagi at maging abala. ... Mula sa sandaling iyon, ikaw ay tiyak na mapapahamak sa kapighatian sa pamamagitan ng masama, napalayo mula sa mga pagpapala ng Makapangyarihan sa lahat, hindi maabot ng mga panustos ng Makapangyarihan sa lahat, at ikaw ay pumasok sa isang daan na wala nang balikan. Hindi na magawang pukawin ng milyong mga tawag ang iyong puso at espiritu. Natutulog ka nang mahimbing sa mga kamay ng masama, na tinukso ka papunta sa walang hangganang kaharian, na walang direksyon, na walang mga palatandaan ng daanan. Kung kaya, nawala ang iyong orihinal na kadalisayan, kawalang kasalanan, at nagsimulang magtago mula sa pag-aalaga ng Makapangyarihan sa lahat. Ang masama ang naglalayo sa iyong puso sa lahat ng bagay at nagiging iyong buhay. Hindi ka na takot dito, hindi na ito iniiwasan, hindi na rin ito pinagdududahan. Sa halip, itinuturing mo na rin ito bilang isang Diyos sa iyong puso. Sinisimulan mo na itong idambana, sambahin ito, hindi ka mahiwalay na para bang anino nito, at kapwa nangako sa isa’t isa sa buhay at kamatayan. Wala kang kaalam-alam kung saan ka nagmula, bakit ka umiiral, o bakit ka namamatay. Ang tingin mo sa Makapangyarihan sa lahat ay isang estranghero; hindi mo alam ang Kanyang pinagmulan, pati na rin ang lahat ng Kanyang ginawa para sa iyo. Ang lahat ng galing sa Kanya ay naging kamuhi-muhi para sa iyo. Hindi mo man lamang minamahal ang mga ito ni hindi man alam ang kanilang mga halaga. Ikaw ay naglalakad kasama ang masama, mula noong parehong araw na nagsimula kang tumanggap ng mga panustos mula sa Makapangyarihan sa lahat. Ikaw at ang masama ay tumahak sa loob ng libu-libong taon ng bagyo at unos. Kasama ito, sumasalungat ka sa Diyos, na pinagmulan ng iyong buhay. Hindi ka nagsisisi, lalo na ang malaman mong ikaw ay patungo sa punto ng pagkapahamak. Nakakalimutan mo na ang masama ay natukso ka, pinahirapan ka; nakakalimutan mo na ang iyong pinagmulan. Ganoon lang, ang masama ay namiminsala sa iyo unti-unti, hanggang sa ngayon. Ang iyong puso at ang iyong espiritu ay hindi na sensitibo at nabubulok na. Hindi ka na nagrereklamo tungkol sa pagdurusa ng mundo, hindi na naniniwala na ang mundo ay hindi makatarungan. Hindi mo na rin pinahahalagahan ang tungkol sa pag-iral ng Makapangyarihan sa lahat. Ito ay dahil itinuturing mo ang masama bilang iyong tunay na ama, at hindi ka na maaaring mapahiwalay mula sa kanya. Ito ang lihim sa iyong puso.